Hindi ko inaasahang sa dating Mogwai ako dadalhin ng taksing aking sinakyan noong gabing iyon. Escobar. Iyon na pala ang tawag ngayon sa lugar na ‘yon.
Iyon ang unang beses na nakita kitang ganoon, tila tiklop at nahihiya sa patutsada ng iyong mga kaibigan. Naaliw ako sa mga kwento nila ukol sa’yo. Napakakulay ng iyong personalidad. Napakabuhay. Napakatotoo.
Hinawakan mo ang aking mga kamay, at nanatiling mahigpit ang iyong paghawak sa buong magdamag.
Lumalim ang gabi. Dumaloy ang inumin at mga katotohanan.
***
Paulit-ulit ko nang sinabi sa iyo ang katotohanang hindi ko naman itinatago — na mahal na mahal kita. Ngunit sa bawat pagsambit ko ng mga katagang iyon, tanging mga ngiti lamang ang iyong isinusukli.
Sabi ko sa’yo, “Hindi mo pa kayang sabihing mahal mo ako ‘no?” Ngumiti ka lang ulit.
“Minsan, iniisip ko kung gusto ko nga ba ang mga bagay na ginagawa ko o iniisip ko lang na gusto ko ang mga ‘yon,” sabi mo.
“Alin ako doon?” sabi ko.
“Hindi ko alam,” sabi mo.
At alam kong totoo iyon, na walang pagsisinungaling o pagpapanggap sa sinabi mo. Hindi mo pa alam, hindi mo pa alam.
Sa isip ko, nagpauli-ulit ang tanong: kailan? Kailan kaya? Sana. Sana.
***
Hinatid n’yo ako tungong sakayan ng bus. Muli mong hinawakan ng mahigpit ang aking kamay, kahit pa pinagtitinginan tayo ng mga tambay, mga halang ang sikmura, at mga nilalang ng gabi sa Cubao. Sa overpass, may ale pa ngang tumukso sa atin ng pagkalakas-lakas. Ngunit lalo lang humigpit ang iyong hawak. “Hayaan mo sila,” sabi mo.
Kung maaari lang kitang halikan noon din mismo, ginawa ko na. Lalo mo pang pinalalim ang nararamdaman ko para sa’yo. Noong gabing iyon, napatunayan mo sa aking kahit papaano, may nararamdaman ka nga para sa akin.
Mahal kita, mahal kita.